by Mark Angelo Baccay
Ang Pilipinas ay itinuturing na hotspot ng mga natural na kalamidad. Ayon sa World Risk Report noong taong 2018, ang bansa ay pangatlo sa tala ng may pinakamataas na ‘disaster risk index’ sa buong mundo dahil sa lokasyon nitong lapitin ng mga lindol, bagyo, at iba pang kalamidad.
Sa panahon ng sakuna, kailangan ng mga Pilipino hindi lamang ng proteksyon at masisilungan, maging pagkaing ligtas para sa nangangalam na sikmura. Kaya naman, inihahandog ng Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI) ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya ang Ready-to-Eat o RTE Arroz Caldo. Ito ay parte ng Pack of Hope, isang proyekto ng DOST-ITDI na naglalayong maghatid ng agarang relief foods sa mga Pilipinong nasalanta ng kalamidad.
(Photo Credits: DDGotis, TSD) Ang RTE Arroz Caldo ay kabilang sa unang pangkat ng relief food na pinamimigay ng DOST kapag katatapos pa lamang ng isang kalamidad.
Ang RTE Arroz Caldo ay nabuo noong 2014 bilang Category A na relief foods. Ito ay hindi nangangailangan ng pag-iinit o pagluluto upang makain. Ito ay ginagamitan ng retort pouch packaging technology, isang teknolohiyang nagbibigay proteksyon upang humaba ang shelf life ng produkto hanggang isang taon.
Ang mga pagkaing Ready-to-Eat ay pre-cleaned, pre-cooked, at pwedeng kainin nang walang preparasyon o pagluluto dahil ito ay shelf-stable. Ayon kay Grace Noceja, Supervising Science Research Specialist ng DOST-ITDI, mahalagang maihatid sa mga apektadong mamamayan ang RTE relief goods sa loob ng apatnapu’t walong oras (48 hours) pagkatapos ng isang kalamidad upang maibsan ang gutom ng mga nasalanta, lalo na’t sa pagkakataong ito ay tinatantiyang wala pa silang kakayahang makapaghanda ng makakain.
Ang RTE Arroz Caldo ay kabilang sa unang pangkat ng relief food na pinamimigay ng DOST kapag katatapos pa lamang ng isang kalamidad.
Dahil sa tagumpay ng proyektong ito, nakagawa ang DOST-ITDI ng iba pang uri ng RTE food tulad ng smoked fish rice meal para sa pangalawang pangkat ng relief food na pinapapamahagi sa sandaling bumalik na ang kuryente at iba pang utilities. Ang RTE boiled sweet potato naman ay nabibilang sa pangatlo at huling pangkat ng relief goods na pinapamahagi kapag bumalik na ang lahat ng mga kinakailangang kagamitan sa pagluluto.
Nakamit ng RTE Arroz Caldo ang unang parangal sa Gawad KINTAL bilang pagkilala sa matagumpay at nakaka-inspire nitong kwento ng komersyalisasyon sa pagdiriwang ng huling araw ng Week-long Accomplishment and Culminating Activity of Special Projects (WACAS) ng Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) noong ika-30 ng Hulyo. Ang DOST-TAPI ay may iba’t ibang programang laan para sa mga imbentor at mananaliksik ng bayan na tumutulong sa pag-develop at paglabas ng mga teknolohiyang gawang Pinoy sa merkado.